Kinumpirma ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte nitong Martes na siya ay nakatanggap ng summon order mula sa Office of the Prosecutor kaugnay ng reklamo ng National Bureau of Investigation (NBI) laban sa kanya.
“Ako man ay naka-receive din kanina ng summons sa Office of the Prosecutor sa finile ng National Bureau of Investigation na kaso laban sa akin,” ayon sa Pangalawang Pangulo sa isang panayam sa Leyte.
Hindi na nagbigay ng karagdagang detalye si VP Sara Duterte.
Matatandaang nagsampa ng reklamo ang NBI laban kay Duterte ng grave threats at inciting to sedition matapos niyang sabihin na kumuha siya ng tao para patayin sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos, at House Speaker Ferdinand Martin Romualdez kung sakaling matuloy umano ang planong pagpatay laban sa kanya.
Sinabi ni Duterte na ang kanyang mga pahayag noong huling bahagi ng 2024 tungkol sa umano’y planong pagpatay ay "hinugot sa konteksto." Ayon sa kanyang mga tagasuporta, kahit pa may banta siyang binanggit, ito raw ay isang “conditional” o may kundisyon, kaya’t hindi ito maaaring gawing batayan ng kaso.