Nasabat ng mga tauhan ng kapulisan sa Mactan-Cebu International Airport ang salaping tinatayang nagkakahalaga ng P441 milyon na umano’y ipinuslit ng grupo ng mga pasaherong sakay ng isang chartered flight patungong Maynila.
Ayon sa paunang ulat ng mga awtoridad, naharang ang nasabing halaga sa isinagawang routine inspection sa paliparan. Ang mga pera ay natagpuan sa loob ng mga maleta na pagmamay-ari ng siyam (9) na banyagang indibidwal at dalawang (2) Pilipino, na agad isinailalim sa masusing imbestigasyon upang matukoy ang pinagmulan at layunin ng pagdadala ng naturang malaking halaga ng salapi.
Napag-alaman sa paunang pagsisiyasat na ang grupo ay sakay sana ng isang pribadong chartered flight patungong Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Maynila. Subalit, bago pa man sila makalipad, ay napuna ng mga awtoridad ang kaduda-dudang nilalaman ng kanilang mga bagahe, dahilan upang agad na ipatupad ang legal na hakbang para sa pagsusuri at pagsamsam ng mga salapi.
Ayon sa Commission on Elections (COMELEC), simula ngayong araw, Mayo 10, 2025, ay epektibo na ang money ban alinsunod sa mga probisyon ng Omnibus Election Code. Layunin ng patakarang ito na maiwasan ang pagbili ng boto at iba pang uri ng katiwalian sa panahon ng halalan. Dahil dito, ang pagdadala ng malaking halaga ng pera, partikular sa mga pampublikong lugar tulad ng paliparan, ay mahigpit na ipinagbabawal maliban kung ito ay may kaukulang dokumento o awtorisasyon mula sa kinauukulan.
Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad upang matukoy kung may kinalaman sa eleksyon ang nasabing pera, at kung sino ang posibleng mga taong nasa likod ng tangkang pagpuslit nito. Ang mga nahuling indibidwal ay pansamantalang nasa kustodiya ng mga awtoridad habang inihahanda ang mga posibleng isasampang kaso laban sa kanila, kabilang na ang paglabag sa mga batas ukol sa eleksyon at anti-money laundering.
Samantala, muling nanawagan ang COMELEC sa publiko na makiisa sa pagbabantay sa malinis at tapat na halalan sa pamamagitan ng maagap na pag-uulat ng mga kahina-hinalang aktibidad na posibleng may kaugnayan sa pagbili ng boto at iba pang illegal na gawain.