Isang trahedya ang naganap nitong Linggo mag alas nuebe (9:00 AM) ng umaga, Mayo 4, 2025, sa harap ng departure area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 matapos sumalpok ang isang itim na SUV sa mga pasaherong naghihintay sa labas ng paliparan.
Ayon sa paunang ulat, dalawa ang nasawi sa insidente—isang limang taong gulang na batang babae at isang 29-anyos na lalaki. Tatlo hanggang apat na iba pa ang sugatan at agad na isinugod sa ospital para sa paggamot.
Batay sa CCTV footage, ang SUV ay kabababa lamang ng mga pasahero, at ang driver nito ay abala sa pag-aayos ng mga bagahe. Ngunit ilang sandali lamang ang lumipas, bigla itong umarangkada at tuluyang bumangga sa pila ng mga tao na karamihan ay mga OFWs at kanilang pamilya.
Kasalukuyang hawak ng mga awtoridad ang driver ng SUV at isinasailalim siya sa drug at alcohol testing bilang bahagi ng imbestigasyon. Ayon kay Transportation Secretary Vince Dizon, wala pang indikasyong sinadya ang pangyayari, subalit masusing sinisiyasat pa ang lahat ng anggulo.
Nakikiisa rin ang New NAIA Infra Corp. (NNIC), ang operator ng paliparan, sa mga imbestigador upang matiyak ang buong paglilinaw sa insidente.
Ang insidenteng ito ay nagsisilbing paalala sa kahalagahan ng mas istriktong seguridad at masusing regulasyon sa trapiko sa paligid ng mga pampublikong pasilidad tulad ng NAIA.