Itong mga mayayaman na ito lalo na mga corrupt na pulitiko, hindi ba nila naiisip na kapag dumating ang kamatayan, hindi nila madadala ang kanilang kayamanan? Kahit gaano pa kataas ang naabot nilang propesyon, wala itong maitutulong sa kanilang kaluluwa—sa katunayan, maaari pa itong maging dahilan ng kanilang kapahamakan.
Tingnan ninyo kung sino ang nasa tuktok ng listahan ng pinakamayayamang tao sa mundo—karaniwan, hinahabol sila ng mga mas mababa. At ang nasa tuktok naman, ang iniisip: “Hindi ako pwedeng maabutan; dapat ako pa rin ang Number 1.”
Kaya mapapansin natin, bakit hindi humihinto ang mga mayayaman dito sa Pilipinas at pati mga corrupt na pulitiko? Bakit parang hindi sila nakukuntento? Kasi kung ihahambing nila ang sarili nila sa mga bilyonaryo sa ibang bansa, tila barya lang ang halaga ng kanilang yaman. Gusto rin nilang mapasama sa listahan ng pinakamayayaman sa buong mundo.
Ang ugat ng kanilang di pagkakuntento ay dahil sa maling inspirasyon—ANG DEMONYO. Ito ang bumubulong sa kanila ng: “Wag kang makuntento.” Kaya kahit gaano pa karami ang kanilang lupa, sasakyan, pera, at kahit napuntahan na nila halos lahat ng bansa—kulang pa rin.
Bakit? Dahil ang demonyo ay hindi kayang punuin ang espiritu ng tao. Hindi siya makapagbibigay ng tunay na kaligayahan. Subalit, ang mga taong kumilala na sa Diyos na Ama ay kontento na. Bakit? Dahil ang Diyos lang ang makakapuno sa kaluluwa. Siya lang ang kayang magbigay ng ganap na kagalakan at kapayapaan.
Tingnan natin ang mga mayayaman—mayaman na lalo na mga corrupt na pulitiko, mayayaman nga pero may tunay na kapayapaan ba? Wala. Dahil ang kayamanang mula sa demonyo ay laging may kasamang kasakiman at hindi matigil na pagnanasa. Walang kabusugan sa demonyo.
At kung hindi pa natin tunay na kinikilala ang Diyos, natural lang na mangarap tayong yumaman balang araw. Pero pag narating mo na ang yaman, hindi na titigil ang mga pangarap—dahil ang demonyo ay walang hangganang gutom at laging magpapasulsol sa tao na maghangad ng materyal.
Ito rin ang dahilan kung bakit binubusog tayo ng demonyo sa abala—para hindi natin makilala ang Diyos. Kaya nga sinasabi sa Banal na Kasulatan: “Hindi mo maaaring paglingkuran ang Diyos at ang kayamanan.” Dapat tayong mamili. Walang puwang sa pagiging neutral—dapat ay malinaw kung kanino tayo nakatayo.
