
Kung mapapansin ninyo, kanya-kanya na ng galaw ang mga kongresista ngayon. Natural lang ito, dahil kung sino ang makakakumbinsi ng mas maraming miyembro, siya ang posibleng maging susunod na Speaker of the House.
Sa kasalukuyan, si Congressman Martin Romualdez pa rin ang Speaker. Pero kung mawalan siya ng suporta at matanggal sa puwesto, posible nang maisulong ang impeachment laban kay Pangulong Bongbong Marcos.
Kamakailan, nag-file si Chairman Ronald Cardema ng Duterte Youth Partylist ng impeachment complaint laban kay BBM. Ngunit kung titingnan ang naging reaksyon ng mga kongresista—halos wala. Tanging sina Congressman Ortega at Acidre lang ang nagbigay ng pahayag. Ang karamihan ay nanahimik.
Ang totoo niyan, ang ginawa ni Cardema ay hindi para agad seryosohin. Isa lang itong “testing the waters” para makita kung paano magre-react ang mga kongresista sa isang impeachment case laban sa pangulo.
Parang laro lang ng basketball: may 10 segundo na lang, may play na ginawa ang kalaban, kaya kanya-kanya ng puwesto ang mga tao. Nang makita mo ang galaw nila, nag-timeout ka para makabuo ng mas magandang diskarte. Ganun ang taktika nina Cardema at ng grupo ni VP Sara—obserbahan muna bago kumilos nang todo.
Kung hindi magiging maingat at estratehiko ang kampo ni BBM, malaki ang posibilidad na maulit ang kasaysayan—isang “Marcos 2.0”. Bakit? Dahil gumagalaw na ang bagong grupo sa Kongreso. Hindi nila kayang isakripisyo ang kanilang political career, lalo na’t marami sa kanila ang may anak, asawa, o sarili nilang planong tumakbo muli sa 2028.
Isipin mo: tatlong taon na lang ang natitira sa termino ni BBM. Kapag iniisip mo na ang re-election mo, sa tingin mo ba ay solid ka pa ring kakampi sa kanya? Malamang hindi na. Kasi ang iisipin mo na ay ang sarili mong kinabukasan. Kung baga, “bahala ka na sa buhay mo, iisipin ko na ang career ko sa 2028.”