Ipinagtanggol ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte ang kanyang kapatid na si Davao City Representative Paolo "Pulong" Duterte laban sa reklamong isinampa laban dito kaugnay ng pananakit at pagbabanta. Ayon sa kanya, bahagi raw ito ng umano’y mga atakeng pulitikal ng administrasyong Marcos laban sa kanilang pamilya.
Sa isang panayam sa Zamboanga City noong Sabado, iginiit ni VP Sara na layunin lamang umano ng administrasyong Marcos na sirain ang reputasyon ng mga kalaban nito upang pagtakpan ang mga tunay na isyu ng bansa.
“Tuwing may malalaking isyung kabalbalan silang kinasasangkutan, ang ginagawa nila ay atakihin ang kanilang mga kalaban sa pulitika para ma-divert ang atensyon,” sabi ni Duterte sa ambush interview.
Sinubukan ng GMA News Online na kunin ang pahayag ng Malacañang sa pamamagitan ni Undersecretary Atty. Claire Castro, tagapagsalita ng Palasyo, at magbibigay sila ng update kapag may opisyal nang tugon.
Nauna nang nagsampa ng reklamo ang isang negosyante laban kay Pulong sa Department of Justice dahil sa umano’y pananakit at seryosong pagbabanta — paglabag sa Artikulo 265 at Artikulo 282 ng Revised Penal Code.
Ayon sa kanyang sinumpaang salaysay, tinutukan daw siya ng kutsilyo at binugbog ni Pulong ng halos dalawang oras noong Pebrero 23 sa isang bar sa Davao City.
Samantala, pinili ni Pulong na manahimik ukol sa reklamo.
“Mga kapwa ko Davaoeño, may nakita na naman kayong video. Matagal na ‘yon. Bahala na kayo kung sino ang gusto niyong iboto bilang congressman sa unang distrito. Hindi ako makikialam,” ani niya sa isang video sa kanyang Facebook account, gamit ang wikang Cebuano.