Thursday, May 1, 2025

CIDG Director Maj. Gen. Nicolas Torre III at 9 na iba pa sinampahan ng kaso



Isinampa ang reklamo laban kay CIDG Director Maj. Gen. Nicolas Torre III at siyam pang opisyal ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) kaugnay ng umano’y ilegal na pagkakakulong sa negosyanteng si Rotchelle Calle sa loob ng anim na araw. Ginamit umano ng mga awtoridad ang isang “photocopied” red notice mula sa International Police Organization (INTERPOL) bilang basehan ng pagkakaaresto.


Hindi dumalo sina Torre at iba pang akusado sa preliminary investigation na itinakda ng Makati City Prosecutor’s Office noong Abril 21 at 28.


Inireklamo ni Calle ang grupo dahil umano sa ilegal na pag-aresto at arbitrary detention na naganap mula Nobyembre 21 hanggang 27, 2024. Ang insidente ay may kaugnayan sa kasong fraud na isinampa laban sa kanya ng dating kasosyo sa negosyo sa United Arab Emirates (UAE).


Ayon kay Calle, inalok siya ng ilang miyembro ng CIDG na hindi siya dadalhin sa Bureau of Immigration kapalit ng pagbibigay ng “Christmas gift,” na kanyang tinanggihan. Makalipas ang dalawang araw, siya ay inaresto sa Makati City Hall at dinala sa punong tanggapan ng CIDG.


Humiling ang Public Attorney’s Office (PAO) ng kanyang agarang pagpapalaya, iginiit nilang walang naipakitang balidong warrant of arrest kaugnay ng kaso.