Show Cause Order kay Alyanna Mari A. Aguinaldo, mas kilala bilang Yanna MotoVlog, inilabas na ng LTO sa East Avenue, Quezon City.
Inatasan siyang humarap sa LTO Main Office sa darating na Mayo 6, 2025 upang magpaliwanag kaugnay ng umano’y insidente ng road rage na naganap sa Bayan ng Zambales. Ayon sa ulat, nasangkot si Aguinaldo sa isang tensyonadong sagupaan sa kalsada na naitala sa video at kumalat sa social media, na nagdulot ng pangamba sa publiko at paglabag umano sa batas-trapiko.
Bilang tugon, pansamantalang suspendido ang kanyang driver's license sa loob ng 90 araw bilang bahagi ng preventive measures ng ahensya. Iniuutos din ng LTO na isuko niya ang kanyang lisensya sa oras na matanggap niya ang Show Cause Order.
Ang Show Cause Order ay bahagi ng isinasagawang imbestigasyon ng LTO upang matukoy kung may sapat na batayan upang tuluyang bawiin o kanselahin ang kanyang lisensya, batay sa posibleng paglabag sa Republic Act 4136 o ang Land Transportation and Traffic Code.
Nagpaalala naman ang LTO sa lahat ng motorista na pairalin ang disiplina, pag-unawa, at wastong asal sa kalsada. Paalala rin ng ahensya na ang pagiging isang content creator o influencer ay may kaakibat na responsibilidad, lalo na kung ito ay may kaugnayan sa pagmamaneho at paggamit ng pampublikong daan.